Wednesday, July 31, 2019

Hiwaga ng Buhay

Bago tayo magsawa sa paulit-ulit nating ulam, lakad-lakad muna tayo sa kalsada para makita nating maraming tao na kahit malinis na tubig ay hindi makatikim. 
 
Bago tayo magsawa sa bahay nating walang aircon, silip tayo sa ilalim ng footbridge para makita natin yung mga taong nakatira doon na kahit matinong pader at bubong ay wala sila.
 
Bago tayo magsawa sa kakagawa ng assignments, projects, thesis, papers at kung ano-ano pa, bisita tayo sa bundok para makita nating maraming kabataang tulad mo ang nangangarap na gawin yang mga pinagsasawaan mo na. 
 
Bago tayo magsawa sa asawa natin, try nating lumugar sa sitwasyon ng mga biyudo/biyuda na nag-aasam na sana buhay pa ang asawa nila. 
 
Bago tayo magsawa sa trabaho natin, basa-basa tayo ng balita nang malaman natin kung ilang milyong Pilipino ang nagkakandarapa na makahanap ng trabaho. 
 
Bago tayo magsawa sa kaka-alaga ng makulit, pasaway at maligalig nating anak, subukan nating kamustahin yung mga mag-asawang nangangarap ngunit hindi nabiyayaan ng anak. 
 
Bago tayo mag-sawa sa araw-araw na routine ng buhay natin, pasok tayo sa bilangguan nang malaman nating maraming tao ang naghahangad na maging malaya tulad natin. 
 
Bago tayo magsawa sa buhay natin at bago natin naising mamatay nalang, dalaw tayo sa hospital para makita nating may mga taong nakikipaglaban para sa buhay nila…handang maubos ang lahat-lahat sa kanila mabuhay lang sila.
 
Hindi ko sinasabing mas mapalad tayo o mas mapalad sila. 
Pero sa tingin ko mas mapalad ang taong mapagpasalamat. 
Kasi ang kapayapaan, satisfaction at kaligayahan nila ay wala sa ganda o panget ng sitwasyon nila kundi nasa Dios na pinagmumulan ng lahat. 

“Be grateful for small things, big things and everything in between. Count your blessings and not your problems. Focus on the Giver and not on the gifts.”

No comments:

Post a Comment